PHILAUTIA
“PHILAUTIA”
ni Mateya
Mapupungay na mata ang nasa likod ng may kakapalang salamin. Matangos ang ilong na kulay kayumanggi. Makakapal at mapupula ang labi ang mayroon ang lalaking dumaan sa harap ko sa loob ng simbahan. May katangkaran itong taglay kaya mabilis nitong napukaw ang aking mga mata. Sa loob ng simbahan, agad mo siyang makikita dahil sa taas nito at sa suot niyang kulay puti. Iwinaksi ko ang atensyon sa kaniya dahil naroon ako sa lugar na iyon upang manalangin at magnilay, hindi upang lumandi. Pagkatapos ng misa, agad akong umulis at nawala na sa isip ang lalaking kaninang kumuha ng aking atensyon. Bago umuwi ay agad akong nagtungo sa tindahan upang bumili ng maaaring kainin at gawing pasalubong. Bumili ako ng tinapay sa panaderya at inumin sa katabi nitong tindahan. Pagkatapos nito ay agad na akong sumakaya sa tricycle at umuwi.
Sa aking paglalakad papunta sa aming bahay, kapansinpansin na parang may bisita sa loob kaya kumaripas ako ng takbo sa kagalakang nadarama. Pagkapasok ko ng pinto bumungad sa akin ang lalaking kaninang nasa isip ko. Kasama nito ang aking kapatid. Hindi na ako magtataka kung bakit magkasama sila, nasa iisang samahan sila sa simbahan kaya talagang magkakilala sila. Isa siyang sakristan kaya talagang kapansin-pansin siya. Pumasok ako at dumeretso sa loob ng aming bahay. Hindi bumati o kahit tumingin sa bisita. Naiilang ako sa hindi malamang dahilan. Hindi naman ako ganito. Kilala ako bilang palabating tao ngunit bakit ako nagkakaganito? Baka dala lang ng init ng panahon. Kinain ko na lang ang aking inuwing pagkain. Maya-maya rin ay umalis na rin sila marahil ay may susunod pang misa. Kinagawain ko na ang pagsisimba kahit mag-isa. Parte na siya ng routine ko. Madalas akong magsimba sa simbahang iyon at pamilyar ako sa mga kasamahan ni kuya pero ang lalaking iyon na kumuha ng atensyon ko ay bago sa paningin ko. Bago ba siya? Kung bago, bakit nakaputi na siyang damit na mahaba at hindi polo na sinusuot ng baguhan sa samahan? At bakit ko ba ito iniisip? Marami naman bago sa samahan noon roon pero bakit kuhang kuha niya ang atensyon ko? Ano ba itong nakain ko? Iwinaksi ko na ang aking pag-iisip sa lalaking iyon at ginawa ang mga kailangan gawin dahil may pasok na naman bukas sa paaralan.
Maaga akong gumising at naghanda para sa pagpasok. Hindi ko inaasahan na sa harap ng paaralang aking pinapasukan ay makikita ko ang lalaking kahapon ko pa iniisip. Nakasuot siya ng puting polo at navy blue na pants na iba sa mga suot ng mga lalaking pumapasok sa paaralang aking pinapasukan. “Sa Catholic School pala siya nag-aaral” sabi ko sa aking sarili pero mas pumukaw ng pansin ko ang kasama niyang babae na katulad ng unipormeng suot ko. Nung lumingon sila sa gawi ko, umalis agad ako sa aking kinatatayuan. May kasintahan na pala siya. Ang sweet naman nila, inihatid pa niya kahit may posibilidad na malate siya sa kaniyang klase. Ganoon pala ang tipo niya. Maputi, singkit, bilugan ang mukha na para bang koreana. Kung gusto ko man siya, malabo pa sa patis labo na magustuhan niya ako na kabaligtaran ng katangian na mayroon ang babaeng kasama niya. Di ko pa man alam ang kaniyang pangalan, binigyan naman agad ako ng sign ni Lord na di na pala siya puwede. Sa gitna ng klase, tumunog ang aking cellphone na hudyat na may nagtext. “Beh, samahan mo naman ako sa palengke mamaya after class mo, kita tayo sa gilid ng simbahan. Sa may half court” mensahe mula sa aking nakatatandang pinsan na isa ring taong simbahan. Sumang-ayon ako dahil wala naman akong gagawin after class kaya sasamahan ko na lang siya. Mukhang marami siyang bibilhin. Kaya pagkatapos na klase, agad akong pumunta sa lugar kung saan niya ako tatagpuin. Walang katao-tao sa gilid ng simbahan siguro ay walang misa kaya walang rason para pumunta rito ang mga tao. Ngayon na lang ulit ako nagawi sa parteng ito ng simbahan. Ganito pa rin pala ang itsura nito. Wala masyadong nagbago. Maraming pa ring benches sa gilid ng half court at narito pa rin ang gazebo na punong puno ng yellow bell. Hindi ako madalas magawi rito dahil pumupunta lang naman ako sa simbahan para sumimba at hindi tumambay o maggala-gala. Natatandaan ko panoong bata ako na madalas akong isama ni tatay rito pag may meeting ang mga magulang ng sacristan at dito sa gazebo nila ginaganap ang pagpupulong. Marami akong masasayang memories dito dahil sa palagiang pagpupulong ng mga magulang noon. Nakabuo kami ng pagkakaibigan kasama ang mga kabataang nalilingkod din sa simbahan. Naglalaro kami sa paligid ng simbahan, nanonood ng mga naglalaro sa court, at nagmemeryenda ng mga street foods na mabibili sa paligid. Pero ang masasayang memories na iyon ay nahaluan ng hindi magandang memorya at nagpabago sa paningin ko sa sarili ko ngayon. Marami man akong naging kaibigan pero hindi maiiwasan na magkaroon din ng mga taong nang-aaway. Mga taong akala mo perpekto. Mga salita na akala nila wala lang pero may malaking impak sa atin. Mga salitang hanggang ngayon ay aking dala-dala. Simula noong payayaring iyon, hindi na ako bumalik sa lugar na ito at kinalimutan ang mga taong nakilala sa lugar na ito. Teka, may posibilidad ba na isa iyong lalaki kahapon sa mga naging kaibigan ko noon? E, hindi siguro dahil mukhang bago siya rito. Ay wag na nga isipin iyon. May jowa na nga e. Nakapag-reminisce na ako’t lahat-lahat parang wala pa si Ate Ann. Itetext ko na sana kaso biglang nagblack-out ang aking cellphone. “Ano ba iyan, ngayon pa na lowbat. Antayin ko na nga lang dito” salita ko sa hangin. Ang tagal naman ni Ate Ann, wala pa naman tao sa paligid. Mamaya may multong magpakita sa akin dito, pagabi pa naman o kaya mamaya biglang dumating iyong lalaki na kahapon ko pa iniisip, ano gagawin ko? Ang awkward pa naman hangal pa ako makipag-socialize at para rin naman kakausapin niya ako e di naman kami magkakilala. Isang tunog ng bola ang pumukaw sa aking atensyon. Paglingon ko sa kaliwa ko, paparating ang lalaking kanina ko pa iniisip hawak ang bola at nakasuot ng jersey na mukhang maglalaro sa court na nasa sa gawing kanan ko. Daraan siya sa harap ko! Anong gagawin ko? Sa pagmamadali ay kinuha ko ang cellphone ko na lowbat at nagkunwaring nagsecellphone. Matiwasay siyang dumaan sa harap ko at hindi ako pinansin. As usual, di naman niya ako kilala. Habang nag-aatay kay Ate Ann, patuloy lang ang kaniyang paglalaro sa court. Gusto ko man umalis ngunit itong lugar na ito ang sinabi ni Ate kung saan kami magkikita. Habang di ako makinali sa aking inuupuan, gumulong papunta sa gawi ko ang bola at agad siyang lumapit sa gawi ko. “Inaantay mo ba si Zach?” tanong niya sa akin. “Ay, hindi si Kuya. Inaatay ko si Ate Ann. Dito niya raw ako pupuntahan” sagot ko. “Bago ka ba rito? Parang nagyon lang kita nakita rito” tanong ko agad bago pa siya makaalis. Kailangan ko gumawa ng move para malaman pangalan niya. Nakakahiya naman kung sa kapatid ko tanungin. Mamaya isipin pa niyang crush ko ito e hindi naman. “Kababalik lang naming ulit. Taga rito talaga kami. By the way, ako nga pala si Eros” saad niya. Buti na lang di ko na kailangan tanungin. Agad kong nakita si Ate Ann na papunta na sa gawi namin. “Ahh, ako naman si Agape. Sige, riyan ka na. Nandyan na si Ate” pagpapakilala ko at agad na sinalubong si ate. Buti na lang hindi na ako inusisa ni ate kung bakit kausap ko si Eros. Namalengke kami at umuwi rin agad sa bahay.
Sa tuwing sumisimba ako, palagian ko nang nakikita sa Eros. Minsan ay nginingitian niya ako sa tuwing maakikita niya ako at ganun din ako. Sa simpleng ganung kilos niya, ang simpleng paghanga ay lumalim. Hindi naman ako naghahangad ng pakikipagkaibigan sa kaniya, ang simpleng pagtanaw ay sapat na sa akin. Siguro ay dahil na rin may kasintahan siya o kung wala man sa tingin ko ay hindi ko deserve ang pagmamahal niya. Mas bagay siguro siya roon sa chinita. Sapat na sa akin ang simpleng pagtanaw na lamang. Isang araw ng lingo, nagulat ako, wala siya sa misa. Hindi siya nagserve na bago sa kinagawian niya. Hindi siya umaabsent pero ngayon ay wala siya. Baka nagkasakit lang o may pinuntahan. Pero sa mga sumunod na linggo, wala pa rin kahit anino niya sa altar. Hindi man kami ganun ka close pero hindi sa akin maiwawaglit ang pag-aalala kaya kahit nagdadalawang isip dahil sa maaari niyang isipin sa akin, itinanong ko pa rin sa aking kapatid kung bakit hindi ko na nakikita si Eros magserve. “Madalang mo na talaga siya makikita kase dalawang araw lang sila lalabas sa seminaryo para umuwi” saad niya na siyang ikinagulat ko. Hindi pa man ako nakababawi sa pagkagulat, mas lalong nagpagulat pa ang sumunod niyang isinaad. “Buti na alala mo, ngayon ko lang naalala. May pinapaabot siya” at inabot nito ang maliit na enbelop na may lamang sulat. “Magandang araw, Agape. Marahil mababasa mo ito na nasa loob na ako ng seminaryo. Nagpapasalamat ako dahil kahit sa maunting oras ay nakilala kita at kahit hindi mo alam ay binigyan mo ng kulay ang buhay ko. Linggo-linggo kitang napapansin pero wala akong lakas ng loob para lapitan ka. Isang beses, naglakas ako ng loob upang muling magpakilala pero agad kang umalis. Marahil ay hanggang doon na lamang talaga ang ating nakaraan. Masaya akong naging parte ka ng pagkabata ko. Napasaya mo ako pero hindi ko nagawang ipagtanggol ka sa mapanakit na mundo. Gusto kita pero alam kong may mas matapang pa na karapatdapat sa iyo. Mag-ingat ka palagi” aniya sa sulat. Hindi pala iyong chinita ang karibal ko at lalong hindi ang pagpili niya sa bokasyon na iyon, kung hindi ang kawalan namin ng pagmamahal at kumpiyansa sa sarili.
Comments
Post a Comment