SANDIGAN
"SANDIGAN"
Maikling Kuwento nina Mateya at Kris
Isang
umaga ng lunes, aligaga ang lahat ng mag-aaral sa pagpasok sa paaralan. Isa na
rito si Dara na maagang gumising upang maghanda sa pagpasok sa paaralan. Inayos
niya ang kaniyang baon at ang sarili upang maging presentable siya sa paaralan.
Umalis na si Dara sa kanilang bahay upang sumakay sa tricycle kahit maaga pa,
sa kadahilanang mahirap ang transportasyon sa kanilang lugar. Kailangan pang
mag-antay ng kasabay para umalis ang tricycle kaya’t inaagahan na lang ni Dara
para kung mag-aantay man ay hindi ito mahuhuli sa pagpasok. “Mukhang sinuswerte
ako ngayon” saad ni Dara dahil ang kaniyang tricycle na sinakyan ay umalis agad
kaya’t maaga siya makararating sa paaralan.
Nakarating ito sa paaralan ng alas
siete ng umaga. Habang siya ay nag lalakad, napansin nitong marami na ring
estudyante sa paaralan kahit maaga pa. Sa pathway, maraming grupo ng estudyante
nagkalat sa kabilaang dako ng daan. May ilang nag-iisa at may ilan ding grupo
na nag-uusap-usap marahil ay magkakaklase. Sa rami man ng estudyante pinili pa
rin niya roon dumaan dahil mas malapit ang daang ‘yon sa kanilang silid ngunit
sa pagdaan niya sa kumpol ng mga estudyante, may isang babaeng ang muntikan na
siyang matapunan ng kaniyang kinakaing tinapay na may tsokolate. Mabuti’t hindi
ito tumama sa damit ni Dara dahil kung hindi, ang masuwerte at masaya nitong
umaga ay mapapaltan ng pagkainis. “Agang-aga, ang liliso ng mga tao. Mabuti’t
hindi tumalsik sa akin ang tsokolate” saad nito sa sarili.
Nakarating nga ito nang maaga sa
kanilang silid. Wala pa ngang tao rito kaya’t nilibang niya muna ang kaniyang
sarili ngunit hindi maalis ang imahe ng babaeng muntikan na siyang matapunan ng
pagkain. Wari’y kamukha nito ang unang taong umiwan sa kaniya at sumira ng
pangako. “Kamukha niya pero malabong siya ‘yon. Sa Mindanao na sila ngayon at
ang sabi ng nanay niya hindi na sila babalik dito at hindi na nga sila bumalik.
Siya lang naman ang nagsabi na babalik siya pero hindi rin naman bumalik. Kamukha
lang siguro” saad niya sa sarili at pinagpatuloy ang pagkalikot sa kaniyang
cellphone.
Kalahating oras siyang nag-antay sa
silid bago nagsimula ang klase. Ang klase niya sa umaga ay tuloy-tuloy.
Pagkatapos ng isang asignatura, susunod agad ang isa kaya’t ang buong umaga ay
nakagugutom kaya’t nang matapos ang huling klase sa umaga ay inaya niya na ang
kaniyang mga kaibigan na kumain sa canteen. “Dara, hanap ka na ng mauupuan
natin, bibili lang kami ng ibang pagkain sa kabilang canteen. Diyan ka muna,
saglit lang kami” aniya ng kaniyang kaibigan. Humanap siya ng mauupuan nila.
Habang siya ay nag-aantay, naglaro muna ito sa kaniyang cellphone pero may
isang pakiramdam siyang hindi maintindihan. Parang may nakatingin sa kaniya.
Inilibot niya ang kaniyang tingin sa paligid para hanapin ang maaaring kakilala
ngunit ang lahat ay aligaga sa pagkain at pagpila upang makabili ng pagkain.
“Gutom lang siguro ito. Nag hahallucinate na ako sa gutom, nasaan na ba kasi
sila?” sabay lingon sa paligid upang hanapin ang mga kaibigan. Agad din namang
dumating ang kaniyang kaibigan at sinimulan na nila ang pagkain.
Nagsimula na ang panghapon na klase
ni Dara at may magandang balitang inihatid ang pangulo ng kanilang paaralan.
“Magkakaroon po tayo ng Music Fest kung saan ang inyong talento ay maari
ninyong iparinig sa buong Campus. Sa darating na biyernes, maaari na kayong
pumunta sa Silid-Kanta upang awitan nang live ang gusto ninyong kantahan at ito
ay maririnig sa buong Campus kaya’t mag-ensayo na at iparinig ang inyong
talento at sikreto” pagbabalita ng pangulo ng klase nina Dara. “Ang corny
naman, ‘di ako marunong kumanta” saad ni Dara sa kaniyang katabi. “Ano pa ako?”
ani ng kaniyang katabi. Lumipas ang oras at natapos na ang mahabang araw ni
Dara. Sumakay ito sa tricycle at pumwesto sa kaniyang paburitong pwesto, ang
angkasan. “Kultura na talaga rito na hindi aalis ang tricycle hangga’t hindi
puno” saad nito sa sarili. Isa na lang kase ang inaantay para aalis na ang
tricycle at ito ay ang puwesto sa tabi ni Dara. Lumipas lang ng ilang minuto ay
may pumwesto na rin. Hindi napansin ni Dara kung sino ang babaeng umupo sa
kaniyang tabi. Lingid sa kaniyang kaalaman, ito iyong babaeng muntikan nang
sumira ng kaniyang araw. Pamilyar na amoy ang kaniyang naamoy. Amoy ng
nakaraan. Amoy ng kaniyang kabataan kung saan makulay, masaya at parang walang
problema na kalaunan ay naging isang masakit na pagkabigo at isa nang madilim
na kahapon. Yumuko na lang ito at inialis ang pag-iisip sa nakaraan. Malapit na
siya sa kanilang bahay ngunit ang katabi niya ay hindi pa rin bumababa.
Hanggang sa malapit nang sumapit sa kanila ay biglang tumigil ang kanilang
sinasakyan. Ang kaniyang katabi pala ay bababa na. Napatingin si Dara sa tapat
ng bahay na tinigilan ng tricycle. Isang bungalow na puno ng halaman. Luma man
ngunit maaari pa ring tirahan. Malawak ang harapan nito, mukhang masarap maging
laruan. Ang nakaraan ay siya na namang dinalaw ngunit ito ay agad niyang
winaksi dahil pagkatapos ng isang mahabang bakanteng lote ay ang kanilang bahay
naman. Pumara siya at bumaba na rin sa tricycle at inalis ang lahat ng
pag-iisip. Ang nakaraan ay nakaraan na, kalimutan na rin ang kinalimutan ka.
Ang mga katagang ito ay ang lagi niyang sinasabi sa sarili.
Kinabukasan, pumasok ulit si Dara sa
paaralan gaya ng kaniyang kinagawian. Tuwing ito ay lalabas, hindi na nawala
ang kaniyang pakiramdam na parang may nakatingin. Isang araw bago sumapit ang
biyernes, pumunta ito mag-isa sa CR sa gilid ng kanilang building. Iilan lang
ang mga pumupunta rito dahil walang salamin at iilan lang ang maaaring ihian.
Doon niya na lang piniling umihi dahil kakaunti ang napunta roon. Walang tao
kaya’t pumasok na siya sa cubicle. Habang siya ay umiihi, may narinig siyang kalabog
na tila ba may pumasok sa CR. Hindi niya ito pinansin dahil baka may iba lang
din na gagamit sa ibang cubicle. Nang siya ay matapos, sa kaniyang paglabas sa
cubicle at nagtataka siya kung bakit sarado na ang pinto ng CR. “Sinarado ko ba
ito? Ay baka iyong pumasok kanina kaso parang ang bilis niya naman umihi?”
aniya sa sarili. Naisip niya ito dahil lahat ng pinto ng cubicle ay bukas at
nangangahulugang walang tao sa loob nito. Noong bubuksan niya na ang pinto ng
buong CR ay hindi niya ito mabuksan. Mukhang may naglock nito mula sa labas.
Kinatok niya nang kinatok ang pinto at nag-aasam na may makakarinig sa kaniya.
Nagdasal siya na sana may dumaan sa parteng iyon para siya ay marinig. Hindi
nagtagal, may nagbukas na ng pinto ng CR at iyon ‘yung babaeng muntikan na
siyang matapunan ng pagkain. “Hay, salamat. Buti narinig mo iyong pagsigaw ko
mula sa loob ng CR. Akala ko hanggang mamaya pa ako rito” saad ni Dara sa
babae. “Iihi sana ako tapos nakita ko bakit nakasabit iyong kandado. Akala ko
out of order pero bigla ko narinig iyong pagkatok at pagsigaw mo, may tao pala”
pagkukuwento ng babae. “Sa palagay ko ay may nangbubully na naman sa akin.
Akala naman nila matatakot nila ako. Matapang na kaya ako” pagyayabang ni Dara
ngunit ramdam pa rin ang takot at pangamba sa boses nito. “Ayos ka lang ba?”
pag-aalala ng babae kay Dara. “Ayos lang ako. Salamat. Mauuna na ako”
pagpapaalam ni Dara. Umalis na ito at pumasok na ulit sa klase. Ang takot ni
Dara ay kaniya na lang tinago at kinalimutan at nagpatuloy na lang sa buhay.
Ang araw ng biyernes ay inilaan na
lang ni Dara sa paggawa ng kaniyang pananaliksik. Pumwesto ito sa isang lamesa
sa ilalim ng puno. Maraming ganito sa kanilang campus na nagsisilbing tambayan
ng mga estudyanteng walang klase. Mahangin at maaliwalas naman kaya’t mas
pinili na lang nito na sa labas na lang gumawa kaysa sa silid-aklatan na puno
na ng mga estudyante. Habang ito ay nagbabasa-basa, tumunig ang speaker na
rinig sa buong paaralan. Isang strum ng gitara ang simulang tumugtog. Isang
pamilyar na tunog ang bumungad kay Dara. Noong una ay iniisip niyang hindi ang
pamilyar na tunog ang tumutugtog ngunit nang banggitin ang unang mga liriko ay
kaniya nang napagtanto na ang kantang iyon ay ang kanta ng kabataan, ang kanta
ng masayang nakaraan, ang kanta na nagsisilbing kanlungan, ang kanta ng
tagapagtanggol, na naging kanta ng kinamumuhian na lubos niyang kinagulat.
“You’re the moon that glows in the sky… Lighting up the world when it’s blue…”
tugtog sa campus. Ang mga tao sa paligid ni Dara ay nagtataka dahil ang tunog
nito ay bago para sa kanila ngunit si Dara, gulat ang namutawi sa kaniyang
mukha. Agad niyang iniligpit ang kaniyang gamit at tumakbo sa Silid-Kanta upang
silipin ang kumakanta. Doon, nakita niya ang babaeng muntikan nang sumira sa
umaga niya, ang babaeng nagligtas sa araw niya at ang babaeng kinalimutan na.
Ang babaeng iyon ay si Irene na minsan na niyang naging kalaro, kaibigan, at
tagapagtanggol. Si Irene na nangako at umalis na lubha ang naging epekto kay
Dara dahil sa tindi ng pinagdaanan nito.
“Huwag ka na umiyak, narito na ako. Hindi ka
na niya bubully-hin” saad ng sampun taon na si Irene. “Huwag ka aalis ha, kase
babalik iyon si Mike, aawayin ulit ako noon” ani ng batang si Dara. “Hindi ako
aalis, pangako” pangako ni Irene. “Pinky promise?” tanong ni Dara. “Pinky
promise!” sagot naman ni Irene. Simula noong makita ni Irene na inaaway si Dara
ng mga bata sa kanila, prinotektahan niya ito sa kanila. Sila na lagi ang
magkalaro at magkasama. Minsan sa harap ng bahay nina Irene, sila ay naglalaro
ng bahay-bahayan, lutu-lutuan, at minsan ay nagkakantahan at doon na nila
nadiskubre ang kantang “Aphrodite” na nagsilbing kanta ng kanilang
pagkakaibigan. Simula noong dumating si Irene sa buhay ni Dara, hindi na siya
iniway at pinagtripan ni Mike. Naging masaya si Dara at nalasap nito ang
kagandahan ng paglalaro at ang pakakaroon ng kaibigan. Pero ang lahat pa lang
iyon ay panandalian lang. Isang umaga, habang naglalakad si Dara papunta sa
tahanan nila Irene, nakita nito ang isang itim na sasakyan na nakaparada sa
harap ng bahay nina Irene. Nakita niya na maraming isinasakay na gamit sa
sasakyang iyon kaya’t kumaripas siya ng takbo papalapit dito. Nakita niya si
Irene na nakamagandang damit na para bang aalis. “Irene, saan kayo pupunta?”
tanong ni Dara kay Irene. “May pupuntahan lang daw kami saglit pero babalik din
kami ihahatid lang daw namin itong mga gamit” saad ni Irene. “Ganoon ba? Sige,
ingat kayo” ngiti nito kay Irene. “Gusto mo ba pasalubong? Papasalubungan kita.
Tsokolate? Manika? Anong gusto?” tanong ni Irene. “Kahit ano basta babalik ka”
saad ni Dara. “Oo, pangako” pagkatapos ng pangakong iyon, umalis na ang
sasakyan nina Irene. Habang naglalakad si Dara pabalik sa kanila, narinig niya
ang mga kapitbahay nila na nag-uusap-usap. “Mahaba-haba ang byahe noon nila.
Ang layo ng Mindanao e” saad ng ale. “Di na raw ‘yon sila babalik e, roon na
raw mag-aaral iyong Irene hanggang kolehiyo. Malabo na ‘yon bumalik” saad naman
noong isa. “Sabi rin naman ni Irina hindi na sila rito babalik. Doon na lang
daw sila sa Mindanao” ani naman noong isa pang babae. Lahat ng mga katagang
iyon ay tumatak kay Dara pero ang pinanghawakan niya pa rin ay ang pangako ni
Irene. “Irina? Nanay iyon ni Irene hindi ba? Hindi na babalik? Pero sabi ni
Irene babalik sila. Saglit lang daw sila, mga chismosa lang iyan sila”
nagpatuloy siya sa paglalakad at hindi na inisip ang mga narinig. Lumipas ang
araw, laging inaantay ni Dara sa labas ng kanilang bahay ang kotseng itim na
sinakyan nina Irene. Hanggang sa ang mga umaaway sa kaniya dati ay bumalik ulit
at inaway siya. “Hindi na ‘yon babalik! Dara daga!” sigaw ni Mike na laging
umaaway sa kaniya. Hindi na bumalik si Irene kaya’t ang kinakatakutan ni Dara
ay bumalik. Hindi ito lumalabas ng bahay dahil sa takot na awayin. Napako ang
pangako ni Irene kaya’t kaniya na rin itong kinalimutan.
“Dara” pagtawag ni Irene kay Dara
nang makita nito na nakasilip si Dara sa Silid-Kanta. Agad umalis si Dara nang
magtama ang kanilang mga mata. Sinundan naman ito ni Irene. Nasa ilalim na ng
hagdan si Dara nang mahabol siya ni Irene. “Dara! Kumusta ka na?” tanong ni
Irene kay Dara na puno ng pag-aalala ang mukha. “Hindi mo naman sinabi na
babalik kayo after 10 years na. Saglit lang pala ‘yon?” sarkastikong saad ni
Dara. “Hindi ko rin alam na matagal pala kami. Nalaman ko lang noong ilang araw
na pero hindi pa rin kami umaalis sa Mindanao. Niloko ako ni Mama. Hindi niya
sinabi ang totoo sa akin noong narito pa lang kami. Sinabi na niya noong nasa
Mindanao na kami at wala na akong kakayahan pa para umalis” pagpapaliwanag ni
Irene.
“Mama, kailan tayo uuwi?” tanong
ni Irene sa kaniyang ina makalipas ang tatlong araw nang umalis sila sa Laguna.
“Hindi na tayo babalik doon, anak. Narito na kase ang trabaho ng iyong ama kaya
rito na tayo maninirahan. Hindi ko sinabi sa iyo kase alam ko na hindi ka
papayag” pagpapaliwanag ng ina ni Irene. “Ma, nangako ako kay Dara na babalik
ako. Paano na siya?” pag-aalala ni Irene. “Bata pa kayo, malilimutan ka rin
noon ni Dara. Marami pa naman siya roon na makakalaro” ani ng kaniyang ina.
“Wala, Ma! Inaaway siya ng mga bata roon! Aawayin siya. Nangako ako kay Dara at
sa kaniyang kakambal na namayapa na na hindi ko iiwan si Dara. Naging mabuti sa
akin si Lara kaya susuklian ko ito kay Dara” saad ni Irene. “Gawin mo na lang
iyan pag malaki ka na. Sa ngayon, dito ka muna” payo ng kaniyang ina. Ilang
buwang tahimik lang si Irene at hindi lumalabas ng bahay. Iniisip niya kung
paano niya kakausapin si Dara. Wala siyang cellphone o anumang bagay na
maaaring maging paraan para makausap niya si Dara. Bata pa lang ito kaya’t
pinangako niya na lang sa sarili na paglaki niya at may lakas at kakayahan na
siya, babalik siya sa lugar kung saan siya masaya. Ito naman ay sinuportahan ng
kaniyang magulang kaya’t noong ito ay may sapat na gulang na, bumalik si Irene
nang mag-isa sa dati nilang tahanan sa Laguna. Lumipat siya ng paaralan kung saan nagkokolehiyo si Dara. Susubukan
niya sanang puntahan sa tahanan nina Dara ngunit naisip niyang dahan-dahanin
ang pagpapakilala. Labing isang araw na simula noong magsimula siyang mag-aral
sa paaralan ni Dara nang biglang matabig ng kaniyang kaklase ang kamay nito at
matapon ang kinakaing tinapay na may tsokolate. Hindi inaasahan ni Irene na sa
unang pagkakataon ay nakita niya si Dara. Nakilala niya agad ito dahil sa taglay
nitong balat na naging palatandaan at pagkakakilanlan ni Dara. Bakas sa mukha
ni Irene ang gulat nang lumingon sa kaniya si Dara. Akala nito’y makikilala na
siya ng dalaga ngunit nagpatuloy lang ito sa paglalakad at parang walang
nangyari. Hinayaan niya na lang muna ito. Mula noong tagpong iyon, malimit niya
nang makita si Dara sa kanilang paaralan. Nakikita niya ito sa canteen,
tricycle, gym, at ibang parte ng paaralan. Pinagmamasdan lang nito ang galaw ni
Dara. Napansin nito ang mga pagbabagong nangyari sa pangangatawan ni Dara gayun
din ang mga nanatiling naroon. Muli silang pinagtagpo noong binalak ni Irene na
mag CR at sa hindi niya inaasahan, nakita niyang kinulong doon si Dara. Iyon
ang naging hudyat niya para magpakilala dahil iniisip niyang bumalik ang mga
nang-aaway kay Dara. Nagkaroon ng aktibidad na nagbigay daan para simulan ni
Irene ang muling pagpapakilala kay Dara. Ito na nga iyong Music Fest. Inensayo
niya ulit katahin ang Aphrodite upang gamiting pahiwatig kay Dara kaya’t noong
araw ng biyernes nakita niya si Dara sa isa sa mga lamesa sa paligid ng
paaralan, agad siyang nagtungo sa Silid-Kanta upang awitin ang Aphrodite. “Here
you are I’ve waited so long… Hoping you would sit down to stay… Dara” naputol
ang pagkanta ni Irene nang makita niya si Dara na nakasilip sa bintana.
“Alam mo Irene, dapat hindi ka na
bumalik. Sana tinularan mo na lang si Lara na umalis, iniwan ako at hindi na
bumalik” panunumbat ni Dara. “Maayos na ako, malakas na ako. Kaya ko na ang
sarili ko. Hindi ko na kailangan ng tagapagtanggol! Salamat din ha, kase nung
umalis ka, natutuhan ko lahat ‘yon!” umalis si Dara at iniwang umiiyak si
Irene. Umalis si Irene at pumunta sa kasintahan niyang kasama niyang lumipat sa
paaralan ni Dara. “Malakas na siya, matapang na siya siguro iyon ‘yong
magandang nangyari kung bakit kayo pinaghiwalay. Ito ay para turuan kayo na
tumayo sa sarili ninyong paa. Kaya huwag ka nang malungkot” pag-aalo ni Noel na
kasintahan ni Irene. “Pero pakiramdam ko ay may umaaway pa rin kay Dara dahil
nakita ko na kinulong siya noong hindi ko nakikilalang lalaki” pag-aalala ni
Irene. “Aalamin natin iyan sa mga susunod na araw. Sa ngayon, magpahinga ka
muna. Galing ka sa pag-iyak” suhestiyon ng kaniyang kasintahan. Sumakay sila sa
motor at uuwi na nang makita nila si Dara na mag-isang nakasakay sa tricycle.
“Si Dara!” turo ni Irene sa kaniyang kasintahan. “Pauwi na ba iyon? Bakit
biglang lumiko sa kabilang kanto?” tanong ng kasintahan nang lumiko ang
sinasakyang tricycle ni Dara sa papuntang liblib na lugar. “Sundan natin. Baka
kung anong mangyari sa kaniya” saad ni Irene. Sinundan nila ang tricycle at
timigil nga ito sa gilid ng talahiban. Kitang kita sa mukha ni Dara ang
pagtataka at pangamba. Hinila siya ng lalaking driver sa damuhan. Nang
makarating sina Irene sa pinaroroonan ni Dara, tumawag agad sila sa pulis.
Pinuntahan agad nila si Dara. “Dara!” sigaw ni Irene. Nang marinig ito ni Dara,
agad siyang pumiglas at lumayo sa pagkakahawak ng lalaki. Ito namang lalaki,
nahuli agad ni Noel ang kamay. Nagtulong-tulong ang tatlo upang maitali nila
ang kamay at hindi na makawala. Si Dara pala ay muntikan nang pagsamantalahan
ng lalaki. Hindi rin nagtagal ay dumating na rin ang mga pulis. Napag-alaman
nilang ang lalaki pala ay wanted na dahil ito ay adik. “Buti’t nahanap ka na
namin Mike! Wanted ka na nga ang tapang mo pang gumawa pa ng panibagong kaso”
saad ng pulis nang kanilang makilala ang lalaki. Laking gulat nina Irene at
Dara nang mamukhaan nila ang lalaki. Ito pala ang noo’y pang nang-aaway kay
Dara gayun din ang nagkulong dito sa CR. Noon pa ma’y malakas na ang tama nito
kay Dara na hindi maipaliwanag at mas lalong lumala noong ito ay mahaling sa
pinagbabawal na gamot. “Ayos ka lang ba Dara?” may pag-aalalang tanong ni
Irene. “Ayos lang ako. Salamat nga pala. Ayoko na umasa at dumepende sa iba
pero mukhang di ko pa talaga kaya ang hindi dumipende” panlulumo ni Dara. “Alam
mo Dara, hindi naman ibig sabihin na dumepende ka sa iba ay hindi kana malakas
o matapang. May mga pagkakataon lang talaga na kailangan pa rin natin ng
tulong. Tao lang din tayo. Kaya’t kung kailangan mo ng tulong, katuwang, narito
lang ako” ngiti nito kay Dara. “Salamat, Irene” pagpapasalamat ni Dara. “Wala
iyon. Napatawad mo na ba ako?” tanong ni Irene. “Wala namang dapat ipagpatawad.
Di mo naman kasalanan na kailangan ninyo roon manirahan. At walang may
kasalanan. Nagkataon lang talaga. Napagtanto ko rin na malaki ang naitulong sa
akin ng mga pangyayaring iyon. Doon, natutuhan kong tanggapin lahat ng maaaring
mangyari at hindi magpakalunod sa nakaraan kaya’t maraming salamat, doon marami
akong natutuhan at hindi mo na kailangan na lagi akong protektahan gaya ng
pangako mo sa kakambal ko na si Lara. Sa ilang bagay ay kaya ko naman na ang
sarili ko. Hindi mo ako responsibilidad. Ang alagaan mo na lang ay ang sarili
mo. Dahil hindi ko matatanggap kung may mangyari sa iyo na hindi maganda nang
dahil sa akin” saad ni Dara. “Friends na ulit tayo?” tanong ni Irene.
“Friends!” saad nito habang pinapakita ang hinliliit na nagsasaad ng pinky
promise. Simula noon, bumalik na ulit ang kanilang pagkakaibigan. Pagkakaibigan
na walang halong responsibilidad kung hindi, pagkakaibigan na malaya. “Ang
kantang ito ay para sa matalik kong kaibigan na si Dara. Dara, para sa iyo ito”
pagsasalita ni Irene na kinig ng mga mag-aaral sa buong paaralan. “When the
visions around you… Bring tears to your eyes… And all that surrounds you… Are
secrets and lies… I’ll be your strength… I’ll give you hope… Keeping your faith
when it’s gone… The one you should call… Was standing here all along… And I
will take you in my arms… And hold you right where you belong… ‘Til the day my
life is through… This I promise you…” pag-awit ni Irene na masayang
pinapakinggan ni Dara na bakas na bakas ang ngiti sa labi. Simula noon, namuhay
sila nang matiwasay at pinagpatuloy ang pagiging magkaibigan.
Comments
Post a Comment