KAHILINGAN
“KAHILINGAN”
ni Mateya
Sa Sitio Bakal, may isang kilalang bata na nag ngangalang Mateo. Kilala siya hindi dahil sa taglay nitong kakisigan o katalinuhan ngunit sa taglay nitong galing sa paglalaro ng online games. Sa tuwing mapaparaan ka sa kanilang bahay makikita mo siya sa paborito nitong puwesto sa kanilang tahanan – ang puwesto katabi ng saksakan ng kuryente. Paborito niya itong lugar dahil sa tuwing malapit nang ma-lowbat ang kaniyang cellphone agad niya na itong isasaksak upang magkaroon ng baterya. Buong maghapon lamang itong na roon at tatayo lamang upang mag-unat-unat. “Mateo, kumain ka na. Handa na ang pagkain sa lamesa” sigaw ng kaniyang ina galing kusina. “Mamaya na lang po, busog pa ako” sigaw naman nito pabalik. “Paano ka mabubusog? Pagkagising mo diretso ka na agad sa paglalaro sa iyong cellphone?” tanong ng kaniyang ina na hindi na pinansin ng batang si Mateo kaya dinalhan na lamang ito ng kaniyang ina ng pagkain sa kaniyang puwesto. Pati ang pag-ihi at pagdumi ay kaniyang tinitiis upang hindi tumayo sa kaniyang paboritong puwesto.
Isang araw, kinausap uli siya ng kaniyang ina patungkol sa sobrang paglalaro ng online games. “Sumusobra na iyang paglalaro mo sa cellphone bakit hindi ka makipaglaro sa labas ng mga larong kalye? Sa palagay ko ay mas masaya iyon” suhestiyon ng kaniyang ina. “Mas masaya kaya itong nilalaro ko, may powers” pangangatwiran ng batang si Mateo. “Baka pag binigyan ka ng powers ay hindi mo tanggapin?” hindi pinansin ng batang si Mateo ang huling sinabi ng kaniyang ina at nagpatuloy lamang sa paglalaro.
Hating gabi na, si Mateo ay nasa paborito pa rin niyang lugar sa kanilang bahay. Tahimik at tulog na ang kaniyang ina at ang mga tao sa kanilang sitio nang magpakita ang bilog na bilog na buwan. Mula sa kinauupuan ni Mateo ay tanaw rito ang kabilugan ng buwan. “Masaya ba ang maglaro niyan?” tanong ng hindi nakikilalang nilalang sa batang si Mateo. “Oo naman” sagot nito at hindi inalam kung sino ang nagsalita. “Ano ang paborito mong powers mula sa iyong nilalaro?” tanong ulit ng hindi nakikilalang nilalang. “Gusto kong maging invisible” sagot naman ng batang si Mateo at hindi pa rin inaalam kung sino ang nagsasalita. “Ano ang paborito mong lugar?” tanong ng hindi nakikilalang nilalang. “Itong puwesto ko kung nasasaan ako. Kung puwede nga lang na hindi na ako umalis dito, ‘di na ako aalis. Huwag ka ngang tanong nang tanong, natatalo na ako e” pagalit nitong sambit at lumingon sa paligid ngunit wala na rito ang kanina niya pang kausap.
Nakaramdam na ng antok si Mateo kaya minabuti niya munang tumigil sa paglalaro at matulog ngunit sa pagsubok niya sa pagtayo ay hindi ito makaalis. Kahit anong gawin niyang puwesto sa lugar ay hindi ito makaalis. Para siyang napako sa kaniyang kinauupuan. Humingi siya ng tulong sa kaniyang ina ngunit hindi siya nito naririnig kaya minabuti niya na lang na hintayin ang umaga para humingi ng tulong. “Nay, tulong! Hindi ako makaalis sa aking puwesto! Kahit ang pagtayo ay hindi ko magawa!” paghingi niya ng tulong sa ina noong makita niya itong bumangon na mula sa pagkakatulog pero siya ay hindi naririnig. “Nay, pansinin mo ako!” sigaw muli ng batang si Mateo nang dumaan sa harap niya ang kaniyang ina. Ngunit para itong walang nakita at narinig. “Nay, tulungan mo ako! Nay!” iyak nitong paulit-ulit dahil hanggang sa maggabi ay hindi pa rin ito nakaaalis sa puwesto at ‘di pa rin naririnig at nakikita ng kaniyang ina.
Buong araw na siyang nasa lugar na iyon at buong araw siyang hindi naglaro ng online games sa kadahilanang buong araw rin itong humihingi ng tulong. Sumapit na ulit ang hating gabi. Tahimik at tulog na ang mga tao sa Sitio Bangkal. Ang batang si Mateo ay uhaw na uhaw at gutom na gutom na dahil buong araw itong hindi kumain at uminom. Sa kaniyang pagtangis, naalala niya ang kaniyang nakausap bago mangyari ang lahat ng ito. “Ayoko nang maging invisible! Hindi ito ang paborito kong lugar!” sigaw nito na nagbabakasali na marinig ng nakausap niya kagabi. “Hindi iyan ang dahilan kung bakit kita pinarusahan” ani ng bilog na bilog na buwan. Napalingon ang batang si Mateo rito at namangha sa laki at liwanag nito. “Bakit mo ako pinarurusahan? Ano ba ang atraso ko sa iyo?” tanong ng bata. “Wala ka sa aking atraso pero sa iyong ina, marami” paliwanag ng buwan. “Ano ang atraso ko sa kaniya?” tanong ng bata. “Hindi ko maaaring sabihin. Ikaw ang may atraso, alamin mo. Hindi ka riyan makaaalis hangga’t hindi mo ito napagtatanto” ani ng buwan.
Ang batang si Mateo ay nakatitig lamang sa buwan at inisip ang mga nangyari “Mahal ko si Inay! Sigurado ako rito pero hindi ako siguradong nabibigyan ko siya ng sapat na atensyon. Sa maghapong ito na hindi niya ako napapansin, ganito pala ang kaniyang nararamdaman sa tuwing nakatuon lang ang aking atensyon sa paglalaro ng online games. Buwan, bigyan mo ako ng panibagong pagkakataon upang ipakita ang aking pagmamahal sa aking ina. Hindi ko na itutuon ang aking atensyon sa paglalaro. Pangako!” sambit ng batang si Mateo sa buwan nang mapagtanto nito ang mga nangyari. “Maganda iyan, Mateo. Magandang bigyan natin ng oras ang ating pamilya dahil hindi habang buhay ay narito sila at ang paglalaro ng mga ganitong bagay ay nakasasama sa kalusugan kung atin itong aabusuhin. Masaya akong may natutuhan ka sa iyong naging leksyon” sambit nito bago ito mawala.
Sa pagsikat ng araw, nagising ang batang si Mateo sa tabi ng kaniyang ina kaya agad niya itong niyakap. Nang maramdaman ito ng kaniyang ina, niyakap na rin siya nito pabalik.
Comments
Post a Comment